Espasyo, Lunan/Lugar, at Tanawin: Pinagkaiba nun teh?



Sa kakagala sa kung saan-saan, kung ano-ano na lang napupuntahan at ano-ano nang nakikita. Wala na yata tayong ibang maisulat sa blog kundi puro experiences natin sa iba’t ibang lugar. Ganun naman talaga ang travel blogging, nakikibahagi nang kung anong nararanasan sa iba’t ibang lugar at oras. Isa na marahil sa pinaka-importanteng konsepto ng pagbibyahe ay ang “lugar.” Malamang, ang travel blogging dito naka-focus kumbaga. Pero sa perspektibong heograpikal, meron din palang pagkakaiba-iba ito: ang espasyo, lugar o luna, at tanawin.

Isusulat na lang natin sa wikang Filipino para maintindihan natin ng masinsinan ang samu’t saring pinaghuhugutan nitong “lugar.” Hindi ito isang akademikong paper na kelangang suriin ng maigi. Kumbaga, parang primer lamang ito para sa mga lahat. Di tayo masyadong magpapaka-deep, pero makikiuso tayo sa trending ngayon, ang humugot.

Espasyo, Puwang, Kalawakan, Space

Sa heograpiya, isa na marahil sa mga pinaka-basic na konsepto ay ang ideya ng space o espasyo. Ano nga ba ito? Iyan ba yung kung saan andun ang mga araw, buwan, at mga bituin? Iyan ba ay yung pakiramdam nung nawala siya sa iyo? Iyan ba yung layo niyo between nung crush mo at ikaw? Iyan ba yung kelangan niyong mag-jowa? Iyan ba yung puwang? Iyan ba yung lokasyon ng isang samting-samting?

Sa mapang ito makikita ang isang espasyo na walang pangalan at hindi pa natutukoy kung saan ang lokasyon nito. (Mapa mula sa CartoDB)
Kung tutuusin, pilosopo ka man o hindi, may pinaghuhugutan o wala, maaaring tama ang iniisip mo sa konsepto ng espasyo.

Kung hahanapin ang depinisyon ng espasyo sa diksyunaryo, marahil maraming ibig sabihin iyan, depende sa konteksto ng pag-gamit. For example, sa astronomiya, yan yung kung saan andun ang buwan, ang araw, at mga bituing ibibigay mo sa iniirog mo, naks! Sa pagsusulat, iyan yung pagitan. Meron din iyang meaning sa matematika.

Isa itong tanawin pero wala pa rin itong kahulugan. Pero kung papangalanan na natin itong "Olango" at "kung saan tumatambay at nagpapahinga ang mga migratory birds," ang kawalang ito ay nagiging "something," na tinagawag na lugar.
Ang konseptong ito ay tumutukoy sa isang lugar, uhm…kalawakan, o something, puwang, o pagitan. Isa siyang “rehiyon” ng kalawakan na kung saan may mga bagay at may mga pangyayaring maaaring maganap. O di kaya isa siyang “rehiyon” ng kawalan. Iyan yung parang pangkalahatang kahulugan ng space na maaaring nauunawaan ng karamihan sa mga heograpiko o mga estudyante nito.

Kumbaga, "rehiyon" na wala pang "kahulugan" para sa madla.

Masasabi din nating “lugar” din siya pero ano? 

Marami pang konsepto at kung ano-anong anik-anik pang kelangang pag-aralan tungkol sa espasyo.

Lugar, Lunan, Luna, Place

Ano bang pinagkaiba ng space at place, espasyo at lugar/luna?

Sa mapang ito, kahit maliit ang lettering, napangalanan at nakilala ang espasyong ito bilang "Luneta" o Rizal Park, dahil sa samu't saring karanasan ng mga tao dito na nagbigay "halaga" o "kahulugan." (Mapa mula sa OpenStreetMap)

Dahil napakadalas nating gamitin yung lugar at espasyo sa pang-araw araw nating buhay, kumbaga para na siyang common sense na eh. Lugar ay lokasyon kung saan may nangyayari na nagaganap o mga bagay. 

Sandali, eh parang parehas lang ata sila ng espasyo?

Hindi. Hindi sa ganun.

Isipin na lang natin sa sitwasyon na ito:

May isang parke sa Maynila na may monumento, may lakaran, may puno, may tao, at may isang lapidang pagkalaki-laki sa background nito. Hugis kwadrado ito at malaki ang kinasasakupan. Yun lang. Di ba, napaka-generic? Baka kung saan-saan lang iyan na espasyo sa Maynila.

Pero kung iyan ay lalagyan ng kahulugan sa pamamagitan ng karanasan ng iba’t ibang tao o lipunan, nagiging pook, luna, o lugar siya. Anong ibig sabihin natin dito?

Para sa mga Pilipino, ang "espasyong" ito ay mahalaga at bumubuo sa kasaysayan at kamalayang bayan. Ang espasyo ay nagiging lugar dahil sa mga pinagdaanang experiences ng lugar na ito na binigyang kahulugan ng mga tao.

Iyang parke na iyan kung saan pinatay ang pambansang bayani ng bansa at iba’t ibang bayani noong Panahon ng Kastila. Iyang parke na iyan na kung saan nagsisimula ang kilometrahe at pagmemeasure ng distansya sa bansa. Iyang parke na yan na kung saan nagdaos ng samu’t saring events tulad ng misa ng Santo Papa. Iyang parke na iyan na may isang puting gusali na gustong mang-agaw ng atensyon sa pambansang bayani. Iyang parkeng iyan kung saan nagsumpaan kayo ng jowa mo. Iyang parkeng iyan kung saan una kayong nagkakilala. Tinatawag siyang “Luneta” o “Rizal Park.”

Siguro dito, mayroon nang kalinawan kahit papaano ang pinagkaiba ng space at place, o espasyo at luna/lugar.

Kung dadagdagan pa natin ito, ayon kay John Agnew, isang heograpikong espesiyalista sa pulitikal na aspeto, ang isang "meaningful location" o "lokasyong may saysay" ay may tatlong aspeto:

  1. Lokasyon - kung saan matatagpuan yung lugar;
  2. Locale / Lokal - yung mga bagay o materyal na setting ng isang lugar kung saan umiikot ang buhay ng mga tao. Kadalasan ang mga monumento, mga gusali, mga natural na features ng isang lugar ang mga ito.
  3. Sense of Place - yung subjective at emosyonal na attachment ng mga tao sa lugar. Kung hihiramin ang konsepto ni Propesor Ozaeta ng Unibersidad ng Pilipinas, maaaring ang katumbas nito ay ang "spirit of the place" o "diwa ng luna" sa Filipino. 

Yung espasyo ay isang rehiyon na maaaring walang saysay, empty, parang puso ng jowa mo o laman ng wallet mo.

Para sa mga taga-Zamboanga, ang Fort Pilar ay isang makasaysayan at sagradong lugar. Ang mga lokal mismo ang nagbibigay halaga at kahulugan sa espasyong ito, upang maging kasama sa kanilang pang-araw araw na pamumuhay. Ang mga lokal mismo ang patuloy na gumagawa ng "diwa ng lugar."
Ang luna or lugar naman ay isang rehiyon na merong saysay, kahulugan, at hitik na hitik sa experiences—personal man o panlipunan, parang memories o di kaya ang wallet mo pag may sweldo--may halaga.

At araw-araw na pinagdadaanan ng buhay ng sangkatauhan, patuloy pa rin ang proseso ng pag-gawa ng lugar o place-making. Pabago-bago ang meaning habang tumatagal kumbaga. Ang mismong pagbibigay ng pangalan sa isang espasyo ay isang proseso ng pag-gawa ng luna o place-making.

Calle Real sa Lungsod Iloilo. Ang makasaysayang distrito na ito sa Kabisayaan ay kilala sa mga lumang gusaling itinayo ng ekonomiya ng kalakal ng asukal. Sa lipunang Ilonggo, ang lugar na ito ay hindi lamang isang espasyo ng mga lumang gusali, kundi pati na ng kanilang komersyo, kultura, at samu't saring karanasan na bumubuo sa kwentong ito. Kung wala ang kwento, o ang "intangible" na pagpapahalaga, isa lamang itong "espasyo."

Sa madaling salita, tayong sangkatauhan ang nagbibigay saysay o kahulugan sa isang espasyo para maging isa itong luna o lugar.

Sa adbokasiya ng turismo at cultural heritage, isa itong napakahalagang aspeto dahil binibigyang halaga nito ang karanasan ng mga tao sa isang lugar.

Eh ano naman ang landscape?

Tanawin, Talan-awon, Landscape

Kung ang espasyo ay isang “rehiyon” nang kawalan, generic, pangkalahatan, o walang karanasan o meaning, at ang luna o lugar ay isang “rehiyon” na may kahulugan o nabibigyang kahulugan dahil sa mga pangyayaring nararanasan ng iba’t ibang tao sa espasyong iyon, ang landscape o tanawin ay simple.

Sa imahen na mula sa satellite, makikita ang tanawin ng Luneta o Rizal Park. Ang kumuha ng picture na ito ay tumatanaw lamang at hindi involved o kasama sa place making. Kumbaga, out of the picture talaga siya. (Imahen mula sa Google Maps)
Ang tanawin o talan-awon sa Bisaya, o landscape sa Ingles, ay isang “rehiyon” na kung saan ang mga bagay, elemento, o pangyayari ay “nakikita” ng isang nagmamasid o tumitingin. Kumbaga, outsider tayo sa experiences at place-making ng isang lugar.

Ang tanawin ng Bulkang Mayon at ang lalawigan ng Albay. Para sa mga turista, ito'y isang "tanawin." Kung ikaw ay isang "outsider" o hindi kasama sa place making na proseso, ang biswal na pagkaka-ayos ng lugar ay nagiging isang tanawin.
Halimbawa, nasa tuktok ka ng Kiltepan sa Sagada at nakikita mo yung ilog, mga bundok, mga komunidad, at mga rice terraces, mga ulap, langit, at pagsikat ng araw. Isa na itong tanawin, o landscape. Kadalasan ang nakaka-appreciate ng konseptong ito ay ang mga turista, kung sightseeing lang naman ang kanilang trip.

Ang tanawin ng Kiltepan sa Sagada. Ang pagkakaayos ng mga bundok, kalangitan, ulap, mga komunidad, at iba pa ay isang "tanawin" o landscape. Pero kung bibigyan mo nang meaning ang Kiltepan, personal man o ng karamihan, ang tanawing natatanaw mo ay maaaring maging isang "lugar."
Ang pagmasdan mo ang iyong ex sa kalayuan, na may kasama ng iba, isa ding tanawin iyon, dahil wala ka na sa lugar nila, sa lugar ng puso ng ex mo. 

Pero kung bibigyan mo na ng kahulugan yung nakikita mo sa Kiltepan, nagiging luna o lugar siya, sa iyong personal na perspektibo. Kung dito ka naglabas ng sama ng loob mo, personally, ang tanawin o ang espasyo ay nagkakaroon ng meaning o significance sa iyong personal na karanasan.

Pero kung dumami na ang nagsisigawan doon dahil gustong gayahin si Angelica Panganiban dahil sa pighating nararanasan niya sa “Tadhana,” nag-iiba na rin ang “kahulugan” ng lugar o luna ng Kiltepan sa isipan ng lipunan. Iyan ang proseso ng place-making.

Kung susumahin, eh ano?

Para maging simple sa lahat:

Ang espasyo ay isang “rehiyon” na kumbaga kung may meaning man, pero generic, o may kawalan.

Ang luna o lugar ay isang “rehiyon” na may kahulugan o nagagawan ng kahulugan sa pamamagitan ng mga karanasan o experiences ng mga tao, personal man o panlipunan.

Ang tanawin naman o landscape ay yung nakikita mo sa isang lugar o espasyo.

Hindi masusuma ang konseptong ito sa iisang post lang. Sa muli, hindi rin ito isang akademikong papel na kelangan pa ng malalimang pagsusuri. Layunin nitong maintindihan ang mga basic concepts na umiikot sa mundo ng heograpiya at sa pang-araw araw na buhay—well, attempt. Dahil alam nating magulo tayong magsulat. Maaaring mali tayo. Hindi tayo eksperto, kundi shineshare lang kung ano ang napag-aralan.

Puwede nating basahin ang libro ni Tim Cresswell na Place:A Short Introduction” para naman malinaw-linawan tayo sa kung anong pinagsusulat natin dito.

Hanggang sa muli!