Ang Pangangailangan ng Kamalayang Kultural sa Disaster Risk Reduction Management sa Pilipinas


Bagama’t ang layunin ng nasabing critical paper na ito ay magbigay kritiko sa tatlong artikulo na may tema tungkol sa makasaysayang kontektso ng pag-aaral ng disaster studies—sa parehong hazard at vulnerability na framework, hindi ko po maiwasang ito’y banggitin dahil sa paulit-ulit na binabanggit ng mga artikulo ang kahalagahan ng alternatibong pamamaraan sa pagtingin ng disaster studies, lalo na sa vulnerability na bahagi.

Naglalaro ng bola ang isang bata sa harapan ng nasirang simbahan ng Birhen ng Kasilak sa Loon, Bohol noong Oktubre 2013

Noong lumindol sa Bohol at Cebu noong taong 2013, na sinundan pa ng Bagyong “Yolanda” tatlong linggong lumipas na kumitil sa maraming buhay at sumira ng libu-libong mga ari-arian, nagkaroon ng kamalayan tungkol sa pangangalaga at pagsasabuhay ng kamanahang kultural ng mga lokal. Sa Bohol, ang pagguho ng mga sinaunang simbahan, na siyang sentro sa kamalayan at kabuhayang Bol-anon, napansin na may mga pagbabago sa lipunan na karagdagan pa sa pagguho at pagkasira ng mga bahay. Para sa mga Bol-anon, parang may nawala o nasirang “kamalayang kolektibo” nang masira ito ng mga lindol. Kilala sa pagiging “relihiyoso Katoliko” ang mga Bol-anon, at ang mga naglalakihang mga simbahang ito ay umukit na sa kanilang kamalayan. Napansin ng mga pambansang ahensya kultural ang kahalagahan nito, hindi lamang dahil sa kagandahang arkitektura at artistiko, kundi pati na rin sa kanilang araw-araw na pamumuhay. Dahil dito, may iilan sa panig sa sector ng cultural heritage ang ngayo’y tumitingin sa panlipunang aspeto ng mga kamahahan at kaalamang kultural.

Naghahanda para sa hapunan sa Evacuation Center sa Camalig, Albay habang minamasdan sila ng Bulkang Mayon sa di kalayuan, Nung mga kapanahunang ito, nagbabadya ng pagputok ang Mayon pero hindi rin ito natuloy. Para sa mga nasa evacuation center, nagiging "kasama na ito sa pamumuhay" ang paminsan-minsang pag-babakweyt.

Sa kasalukuyang setup ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, o NDRRMC, wala itong kinatawan mula sa mga ahensya kultural ng bansa at hindi rin maayos na kinakatawan ang sektor ng agham panlipunan tulad ng mga eksperto sa heograpiya, antropolohiya, kasaysayan, at iba pa. Karamihan sa mga ito ay mga nasa pampublikong polisiya at pinangungunahan ng mga siyentipiko o tinatawag na technocrat. 

Hazard maps at impormasyong teknikal tungkol sa pagputok ng Bulkang Mayon sa PHIVOLCS-Mayon Observatory sa Lignon Hill, Legazpi City, Albay. 2014

Kung minsa'y para sa mga nasa loob ng sektor ng disaster, ang pag-aaral ng kultura ay hindi makakatulong--bagkus maaaring magdagdag kalituhan pa para sa pagsasakatuparan ng mga polisiyang maprotektahan ang sambayanan.

Naiintindihan din sa kontekstong ito kung bakit tila mas hazard approach pa ang pambansang tagapamahala sa disaster risk reduction dahil kadalasan sa mga developing nations, ito ang pinangungunahan o pinaprioritize para sa pag-iimplement ng DRRM sa mga kabayanan

Guho sa Bayong Falls sa Sablayan Bohol kung saan kumitil ito ng buhay ng mga batang natabunan ng pagguho ng lupa dulo ng lindol noong Oktubre 2013.

Subali’t dahil na rin sa napaka-diverse ng ating kultura sa bansa, ang iba’t ibang rehiyon ay may kani-kaniyang konsepto ng pakikibagay sa kapaligiran at mga pangyayari—bagay na nagiging challenge sa mga tagapamahala ng DRR. Isa na marahil ang pangyayari sa Bagyong Yolanda na nagkaroon na tinatawag na “lost in translation” sa mga residenteng naapektuhan ng storm surge o daluyong sa Tacloban.

Sa Barangay Anibong sa Tacloban City. Isang taon pagkatapos ni Bagyong Yolanda, bumalik ang mga residente dito kahit ito'y pinagbabawal o may risk sa muling storm surge. Makikita sa backgrorund nito ang barkong natangay ng storm surge.

Isa pa marahil sa kahalagahan ng vulnerability approach ay ang capacity building para sa mga lokal na maaaring maapektuhan o naapektuhan na ng kalamidad. Para sa mga developing nations, isa ito sa mga praktikal na paraan sa DRRM dahil na rin sa limitadong kapasidad ng mga teknolohiyang mayroon tayo.

Sa kontekstong pangkasaysayan, ito ay bagay na napakahalaga sa pag-aaral para sa DRR ng Pilipinas na bagay na hindi pa nabibigyang pansin hanggang noong 2013. Karamihan sa mga Sugboanon at Bol-anon ay hindi nakaranas ng malakas na paglindol. Pero kung babasahin ang mga record sa archives, pati na rin ang paniniwala’t kultura ng lugar, nakaranas na ang mga lugar na ito ng mga malalakas na pagyanig, na tila’y nakalimutan na.

Tatlong barko ang sumadsad sa Barangay Anibong noong kasagsagan ng Bagyong Yolanda. (Larawan 2014)

Sa Tacloban naman, base sa isang pag-aaral, nakaranas na ng isa ring storm surge ang lugar ng Look Cancabato mahigit isang daang taon nang nakaraan. Para sa iilang local, ang pangalan ng kanilang syudad ay maaaring nagbigay badya sa mga residente—mula sa salitang Waray na “taklob” na “panakip” dahil sa Look Cancabato, o di kaya’y “tinakloban” ng malakas na alon ang lugar.

Sa iba’t ibang panig ng bansa, ang iba’t ibang tao ay mayroong panlipunan na pakikibagay tulad ng mga arkitekturang bernakular ng mga Ivatan at Meranao na ginawa para maibagay ito sa mga pangyayaring pisikal tulad ng bagyo’t lindol—bagay na binigyang diin ni Oliver-Smith sa kanyang artikulo tungkol sa paglindol sa Peru tungkol sa katutubong kaalaman ng pakikibagay.

Arkitekturang Bernakular bilang inspirasyon sa mas maayos na pagtatayo ng mga gusali. Ang mga bato na nasa ibaba ng mga posteng naglalakihan sa isang Torogan sa Barangay Bacolod-Chico sa Lungsod ng Marawi (2012). Nasubukan natin ito nang personal nang lumindol sa Bukidnon noong hapon na iyon na bumisita tayo sa lungsod.

Dahil na rin sa umuusbong na kaalaman tungkol sa DRR, hindi na naisasawalang bahala ang konseptong kultural at pangkasaysayan. Dahil na rin sa kamalayang ito, maraming mga programa sa pamahalaan at mga institusyon na nagsasagawa ng cultural mapping na ang layunin ay madokumento ang mga kaalamang lokal na mahalaga sa isang lugar. Maaaring magamit ito sa edukasyon o turismo, pero ang isa sa mga maaaring resulta nito ay ang iba’t ibang kaalaman ng pakikibagay tulad ng arkitektura, paguugali, tradisyon, at pati na rin ng paniniwala ng mga tao tungkol sa sansinukob. Sa pamamagitan nito, hindi nagiging extractive ang nature nang pag-aaral, kundi binibigyang halaga ang tradisyon at kaalamang local para sa ikauunlad ng pamayanan, at pati na rin maging epektibo lalo ang DRR lalo na sa grassroots level.

Maraming mga isyu ang lumabas noong kasagsagan ng pagsasaayos ng mga lugar na naapektuhan ng Bagyong Yolanda. Pero sa mga ito mayroong mga natutunan ang mga DRRM Managers para mas mapaayos ang implementation nito.

Nasabi na rin minsan na marami nang pag-aaral na ginawa tungkol sa pakikibagay ng iba’t ibang tao sa Pilipinas sa harap ng isang sakuna, o kapaligiran na maaaring hindi pa nababasa o nakikita. Palibhasa, walang isang “integrated” na database na accessible sa mga pag-aaral na ito na tila nawawala sa mga aklatan o di kaya ito’y nailalathala sa mga academic journals na hindi naman na-aaccess ng publiko.

Isang memorial para sa mga namayapa sa trahedya ng pagguho ng bundok ng basura sa Payatas noong dekada 2000s.

Binibigyang diin ng tatlong artikulo (Religion, Disaster, and Colonial Power in the Spanish Philippines in the Sixteenth to Seventeenth Centuries ni Alvin Camba; Seismic and volcanic hazards in Peru: changing attitudes to disaster mitigation nina Martin R Degg at David Chester; Comparing Vulnerabilities: Toward Charting an Historical Trajectory of Disasters ni Greg Bankoff) ang mukha ng pagbibigay halaga sa kaalamang lokal o alternatibo, bilang isang epektibong “pananggalang” o “sangkap” sa mas pinaigting na DRR, at pagbibigay lakas o capacity building sa pinakaimportanteng kadahilanan ng disaster studies—ang sangkatauhan. Hindi lang nito natutulungan ang pagsasagawa ng DRR ng maayos, kundi pati na rin mas nagiging "culturally sensitive" ang mga policies at pamamaraan nito.

Sumisikat muli ang araw sa Look Cancabato sa Tacloban City. (Larawan: 2014)

Bagama’t ito’y umuusbong pa lamang, nawa’y mabigyang diin din ang kahalagahang kultural at panlipunan ng mga tagapamahalang pambansa sa DRR ang social dynamics at kultura. Nawa’y magkaroon ng tama o insaktong representasyon ang mga alagad ng sining, kultura, at agham panlipunan sa DRRM. Nawa'y magkaroon ng harmony ang dalawang sektor ng hazard (teknolohikal na intervention) at vulnerability (pagpapaigting ng kaalaman para sa kapasidad ng mga maaapektuhan at naaapektuhan) sa pagsasakatuparan ng mas buo o holistikong approach ng DRR sa bansa. Hindi rin natin maisasawalang bahala ang tulong na naidudulot ng makabagong teknolohiya o konsepto na maaaring makatulong.

Ito ay bagay na dapat bigyang diin para magkaroon ng isang mas epektibo at tunay na “pang-Filipino” na approach sa mas mainam na disaster risk reduction management--ang balanseng hazard at vulnerability approach para sa Pilipinas.

______________________________
Ang nasabing artikulong ito ay ipinasa bilang kasama sa Critical Paper bilang requirement para sa Anthropology class namin sa Unibersidad ng Pilipinas. Nais na rin naming ibahagi ang aming wari tungkol sa kahalagahan ng pag-aaral ng kultura sa DRRM.