Ang 'Heritage' Dapat ay Haggardo Versoza ang Hitsura…Hindi!
“Ang mga tao ngayon mas tinitignan nila ang stereotype na dahil luma ang mga ito, dapat grey o sobrang puti. Hindi nila narerealize na ang mga [bahay] ito ay maraming iba’t ibang kolorete. May mga bahay na kulay asul, dilaw, tulad nang nasa Mexico. Nanggagaling ito sa kakulangan ng pansin o atensyon sa kasaysayan, na hindi na ito nakakasurpresa.” - Fernando “Butch” Zialcita. (Galicia, 2018)
Ang quote na ito ay isinalin sa Filipino mula sa artikulong “What was Vigan like
before the UNESCO Heritage Fame” sa BluPrint Magazine na isinulat ni Arch. Dominic
Galicia noong 2018.
Napansin ko na mayroong mga usapin sa heritage fora na nagrereklamo sa mga conservation efforts ng mga heritage conservationists. Inirereklamo nito na “hindi na heritage” at “nagmukha nang bago” pagkatapos ayusin marahil ito ay napalitadahan o di kaya ay nagulantang sa itsura nito. Naisasaayos ito dahil hindi lang sa estetikong rason, kundi pati na rin sa integridad ng mismong gusali.
Maaalala ko noon ang lumang kamposanto ng Miagao Iloilo na gawa sa bricks o ladrillo. Ang anking ganda ay maaaring kumumpetensya sa ganda ng kamposanto sa katabing bayan ng San Joaquin. Pero di tulad ng sa San Joaquin, ang mga ugat ng mga punong tumubo sa bubong nito ay nanuot na at kinukumpromiso nito ang integridad ng nasabing kamposanto. Noong 2010s, matapos ang mga serye ng paglindol sa lugar, bumigay ito at tuluyan nang gumuho. Ang hindi agarang pagsasaayos ng kamposanto at ang exposure nito sa mga elemento tulad ng ulan, araw, mga halaman, at kapabayaan ang nagpadagdag sa kanyang risk ng pagguho na siyang tinuldukan na ng mga serye ng lindol nung taong ding iyon.
Mula sa aking tesis noong 2019:
“Interesanteng tignan na kahit merong sentimyento na ang “white washing” ay hindi totoo sa imahen ng isang bayan noong Panahon ng Kastila, kailangan din nating maunawaan na ang mga koloreteng/pinturang de kolor na pastel na sinasabi ni G. Favis ay wala sa gunita ng kasalukuyang henerasyon na nasanay nang makita ang mga puting pintura sa mga lumang bahay na ito.” (Arellano, 2019, p. 39)
Syquia Building bago ito isaayos nitong nakaraan. Makikita ang puting haligi na nakasanayan na ng madla. (Larawan ni Berniemack Arellano, 2018) |
Ang kolektibong gunita ng mga lumang bahay at gusali ay maaaring naka-angkla sa pagiging puting itsura nito dahil na rin sa mga sumusunod:
- Ang pagpintura ng puti noong ika-19 na siglo bilang “hygienic” laban sa mga epidemya ng kolera noon. (Gerard Lico)
- Ang pagsasaayos ng Vigan noong kapanahunan ni Gg. Imelda Marcos noong 1970s sa pamamagitan ng Vigan Restoration Foundation.
- Wala nang nakakaalala o nakakagunita ng maayos sa mga de kolor o de paletadang haligi ng mga establisyamento.
Maaaring nakasanayan na ng henerasyong ito ang biswal na gunita na ang mga gusaling ginawa noong panahon ng Kastila ay mayroong nakalabas o naka-expose na mga ladrillo (bricks) at bato. Matatandaang nagkaroon ng panahon na nagtatanggalan ng mga paletada o lime plaster upang iexpose ang mga bato't ladrillo ng mga gusali upang magmukhang luma.
Aaminin ko na ganito din ang aking gunita ng alinmang gusali na itinayo nung panahon ng Kastila: walang pintura, exposed ang mga bato, at tinutubuan na ng lumot, o nangangamoy ipot na ng ibon at paniki (pabirong sinasabi na "amoy heritage.") bago ako namulat sa kasaysayan at heritage conservation.
Ang Lumang Casa Real ng Pangasinan sa Lingayen. Isinaayos ito ng Pambansang Komisyong Pangkasaysayan matapos ng ilang taong pagka-abandona nito. (Larawan ni Berniemack Arellano, 2022) |
Hindi ito ang kauna-unahang beses na narinig ang pagkabigla at pagkadismaya ng ilang mga nasa madla tungkol sa tamang pagsasaayos ng mga sinaunang gusali.
Nangnangailangan ng mas pinaigting na pagiintindi at pagaaral ng mga konseptong pagsasaayos ng mga sinaunang gusali’t monumento, kasama ang mas pagbibigay detalye at malalimang pagaaral ng kasaysayan.
Pero sa mga takbo ng mga pangyayari ngayon, napapabuntong-hininga na lang ako. Ang aga-aga napa-essay writing ako! 😅
Mga Gawang Nabanggit:
Arellano, B. M. (2019, May). Taoid ken Ili: Sense of Place and Placemaking Practices in the City of Vigan. Graduate Thesis. Quezon City: University of the Philippines Diliman.
Galicia, D. (2018, April 13). What was Vigan like before UNESCO Heritage Fame? Retrieved from BluPrint: https://bluprint.onemega.com/vigan-fernando-zialcita/