Atapang Apóstol!: San Bartolome Parish Church ng Malabon at ang Katipunan

Unang pagkakataon naming nakapag-simba sa Simbahang Parokyal ng San Bartolome ng Lungsod ng Malabon nitong nakaraang Sabado. Nagkataong nasa ika-limang araw ng nobena para sa paparating na kapistahan ni San Bartolome, ang patron santo ng naturang lungsod.

Paghahanda sa papasok na kapistahan ni San Bartolome sa Malabon (BMArellano, 19 Aug 2023)
 

Naitaguyod ang simbahan bilang visita ng Tondo noong 1599 sa ilalim ng mga Prayleng Agustino. Taong 1614 nang naging parokya ito sa ilalim ng patronahe ni San Bartolome Apóstol, isa sa mga 12 disipulo ni Hesukristo. Sinimulang itinayo ang batong simbahan noong 1622 sa ilalim ni Fr. Diego de Robles, nadagdagan ang transcept naman noong 1835, ang dagdag na gilid at media naranja (dome) noong 1854. 

Samantala, ang mala-Griyego Romanong facade at ang kambal na kampanaryo nito ay itinayo noong 1861 sa ilalim ni Luciano Oliver. (Gallende, 1994, p. 40-42) Ang huling dagdag na ito ang siyang nagdala sa pagiging namumukod-tanging simbahan na ganito ang disenyo sa Kamaynilaan.

Ang imahen ni San Bartolome Apostol, kasama ang mga reliko, sa kanyang dambana sa loob ng Simbahan. (BMArellano, 19 Agosto 2023)

Ang imahen ni San Bartolome Apóstol, ang patron ng Malabon, ay kinakikitaan ng may hawak na bibliya sa kaliwang kamay. Samantala, hawak niya ang flaying knife at nakataas ito—animo’y mananagâ. Ang kutsilyong hawak ng santo ay nagpapahiwatig sa paraan ng kanyang pagpapakamartir—binalatan ng buháy gamit ang kutsilyong pambakbak ng balat.

Dahil na rin dito, ayon sa mga taga-Malabon, naging tradisyon ang pagbebenta ng bolo’t kutsilyo tuwing paparating ang kapistahan. Naabutan namin sa loob ng lote ng simbahan ang mga nagbebenta ng mga bolo’t itak, pati na rin ang sinasabing “paboritong itak ng mga Katipunero—ang ‘Sangbartolome.’”

Nagbebenta ng itak, bolo, at "Sangbartolome" (nakalagay sa lalagyan nito) sa loob ng lote ng simbahan. Ayon sa iilang mga lokal na residente, noong unang panahon ay maraming nagbebenta ng ganito tuwing bisperas o kapistahan ni San Bartolome sa Malabon. (BMArellano, 19 Agosto 2023)

 Ayon sa isinulat na postscript ni Prop. Ambeth R. Ocampo noong 2022 na pinamagatang “Bonifacio’s Bolo: Sangbartolome” sa Inquirer, sinasabing pinalusot si Andres Bonifacio (at palagay ko ay pati na ang ibang Katipunero) sa mga checkpoints ng mga guardia civil dahil sa dala-dala niyang bolo nung patungo siya sa Pugad Lawin (o Kangkong sa bahay ni Apolonio Samson, o Balintawak, o Banlat). Idinahilan umano na sila ay makikilahok sa kapistahan ni San Bartolome Apóstol na kung saan ang mga lalaking deboto ay sinasabing nagdadala ng mga bolo sa tuwing kapistahan nito.

Ang nave at ang loob ng simbahan ng Malabon. (BMArellano, 19 Agosto 2023)
 

Kung matatandaan, ang Unang Sigaw sa Pugad Lawin ay sinasabing nangyari sa “katapusan ng Agosto” ayon sa mga historyador at iilang accounts ng mga naging saksi sa pangyayari. Isang posibilidad na ginamit ng mga rebolusyonaryo ang kapistahan ni San Bartolome bilang “cover” sa kanilang palihim na pagkilos patungo sa Caloocan/QC matapos mabunyag ang Katipunan ng mga Kastila.

Ang mga ganitong sidenotes at debate sa kasaysayan at kultura ng isang lugar ay siyang nagpapatunay na mahalaga ang tinatawag na “buháy na dunong” o intangible cultural heritage upang mas maunawaan ng madla ang kahalagahan ng pamana sa kanilang mga pamayanan.


Sanggunian:

Galende, Pedro. (1994). “Malabon” in Angels in Stone: Augustinian Churches in the Philippines, Bookmark: Makati, pp. 40-42.

Ocampo, Ambeth (2022). “Bonifacio’s Bolo: Sangbartolome” in Inquirer.net <https://opinion.inquirer.net/156402/bonifacios-bolo-sangbartolome>