Ang Abril 17 ay Ang Araw ng Pandaigdigang Pamana o World Heritage Day
Ang ika-18 ng Abril ay tinatalagang Araw ng Pandaigdigang Pamana (World Heritage Day) o Pandaigdigang Araw ng mga Bantayog at Lugar/Lunan/Pook (International Day of Monuments and Sites).
Ang tema ng International Council on Monuments and Sites para sa taong 2024 ay ang “Mga Sakuna at Armadong Pakikibaka mula sa Pananaw ng Saligang Venice” (Disasters and Conflicts through the Lens of the Venice Charter). Ito ay sumasalamin sa ginagampanan ng mga historical o heritage sites sa panahon ng sakuna at armadong pakikibaka. Konteksto nito ay ang patuloy na digmaan sa Gaza-Israel na ayon sa UNESCO ay may tinatayang 41 cultural sites (noong Marso 13, 2024) na ang nasira sa Gaza at patuloy na pagtawag na igalang ang pandaigdigang batas na huwag gamitin bilang target o gamitin sa alinmang military purposes ang mga cultural sites.
.@UNESCO has remotely verified damage to 41 cultural sites in #Gaza since 07-oct-23 based on @UNOSAT satellite data.
— UNESCO 🏛️ #Education #Sciences #Culture 🇺🇳 (@UNESCO) March 12, 2024
Once again, we urge all actors to respect International Law: cultural property should not be targeted or used for military purposes.https://t.co/74hdsuThGE pic.twitter.com/uD8wGMr9e3
Noong taong 1954, pinirmahan ang the Hague Convention for the Protection of Cultural Property in the Event of Armed Conflict. Naging isang malaking kadahilanan nito ang pagkawasak ng mga cultural property noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Kasama ang Pilipinas sa pumirma nito, ngunit hindi pa ito nararatipikahan ng Kongreso't Pamahalaan. Naglalayon itong pangalagaan ang mga kamanahang kultural ng alinmang bansang sumasang-ayon rito tuwing panahon ng armadong pakikibaka.
Saklaw din ng tema ang mga sakunang natatamo ng mga heritage sites. Ang mga cultural properties sa Pilipinas, dahil sa lokasyon nito na nadadaanan madalas ng mga bagyo't malakas na ulan; mga pagputok ng bulkan at lindol sanhi ng pagiging bahagi ng Pacific Ring of Fire; mga armadong pakikibaka; sunog; tagtuyo; at patuloy na urbanisasyon at maaaring pagpapabaya ng mga ito; ay patuloy na humaharap sa hamon. Matatandaang marami sa mga lumang simbahan sa Bohol ang nagsibagsakan noong 2013 at ang pagkasira ng sentrong lungsod ng Marawi nang lusubin at kubkubin ito noong taong 2016.
Nasunog ang isang gusaling pangkomersyo sa makasaysayang pook ng Iloilo noong Marso 17, 2024. (Litrato ni Berniemack Arellano) |
Bagaman tinitignan ang Venice Charter bilang outdated, Western-centric, at masyadong malakas ang pokus sa built heritage ng mga makabagong iskolar, hindi mapagkakaila na naging mahalaga itong pundasyon sa pagkakabuo ng kamalayan upang mapangalagaan ng maigi ang mga pamanang kultural. Nagbigay daan at umusbong mula dito ang mga mas makabagong dalumat o charter katulad nang sa Burra, Nara, at di kinalaunan ay ang Philippine Charter na nagdagdag konteksto at pagunawa sa mas lokal at mas inklusibong paraan at pananaw upang makilala ang kasaysayan at kabuluhan ng mga pinangangalagaang pamanang kultural.
Sa bandang huli, ang pagiging heritage ng isang lugar ay hindi lamang dahil sa angking kagandahan o kalumaan nito, kundi ang malalim na kahalagahan at saysay nito sa taumbayan. Ang mga pook o bantayog pamana ay may kabuluhan hindi lamang sa isang sektor ng lipunan, kundi ng taumbayan. Kaya ito naging pamanang pambansa o pandaigdig, dahil para sa pamayanan, ito ang nagbibigay halaga sa kasaysayan, kultura, at pagkakakilanlan. Ito ay collective love, ika nga.