Lumang Bayan ng Santa Rosa, Laguna


Kadalasan ngayon, kapag Santa Rosa ang nababanggit sa Laguna, mas kilala ang Nuvali, Greenfield City, o Eton City, na mga dating sakop ng malawak na Canlubang Sugar Estate na ngayo’y industrial and commercial district ng lungsod. O di kaya ay ang Enchanted Kingdom na siyang pinakamalaking theme park sa bansa.
 
Casa Municipal o ang lumang munisipyo ng Santa Rosa, Laguna (Larawan mula kay Bernardo Arellano III)
 
Pero ang lumang bayan ng Santa Rosa ay matatagpuan na may konting lapit sa baybayin ng Laguna de Baî. Itinatag noong 1792, nagmula ang bayan sa Biñan at Tabuco (ngayo’y Cabuyao). Ang lumang pangalan ng bayan ay Bucol. Ipinangalan ang bayan na ito sa patronang si Santa Rosa de Lima, isang santa ng Tercera Orden de Santo Domingo. Makikita sa simbahan ang impluwensyang Dominiko dahil sa mga santong nakalagay sa mga nitso nito.
 
Ang plaza ng Santa Rosa, Laguna (Larawan mula kay Bernardo Arellano III)
 
Makikita sa lumang bayan ang mga lumang bahay na ang iilan sa kanila ay ginawa pa noong Panahon ng Pananakop ng mga Kastila. Napanatili rin nito ang “plaza complex” kung saan ang simbahan ng Santa Rosa at ang lumang munisipyo (Casa Municipal na ngayon ay Museo de Santa Rosa) ay matatagpuan. Ang tanging komento ko lamang ay bagama’t maganda at elevated ang plaza, parang ito ay nahihiwalay sa simbahan na siyang kasama sa urban design nito. Dapat walang hadlang o di kaya ay malaya o malaki ang akses ng Simbahan sa plaza. Kaya ang mga maninimba ay kailangang dumaan sa makitid na bangketa at kalsada sa tapat ng Museo.
 
Ang Simbahang Parokyal ng Santa Rosa de Lima (Larawan mula kay Bernardo Arellano III)
 
May sinaunang arko din ang lungsod, mga ilang metro ang layo sa plaza complex (unfortunately, wala kaming oras na kunan ng larawan ito).
 
Mga lumang bahay sa Daang Zavalla (Larawan mula kay Bernardo Arellano III)